Mga Lahok na Tula sa Buwan ng Wika (@NDSalamanCollege)

  1. Deodan Benedicto

 

KARUNUNGA’Y IPAALAM

 

Sariling karununga’y alamin,

Sa wasto ay gamitin,

Para muling buksan at ilawan,

Ang kinulong sa kadiliman,

 

Sigaw ng pilipino’y wika ng karunungan,

Atin ng umpisahang pahalagahan,

Sapagkat may sapat ng kaalaman,

Na kailanman’y hindi mapapalitan,

 

Wika ng isang bansa’y walang kapantay,

Dahil karununga’y dito nakaugnay,

Kaya’t gamitin sa tama at pantay,

Para bansa’y muling bumangon sa pagkamatay,

 

Wikang Filipino na siyang bigkas,

Para sa lahat ng oras,

Sapagkat ito ang ating landas,

Na magpapatuloy ng bukas,

 

Ating tangkilikin wikang Filipino,

Bagkus, ito’y pamana ng ating mga ninuno,

Kaya mahalin natin ng buong puso,

At ipagmalaki na tayo’y katutubong Pilipino.

 

  1. Kimberly Bernales

 

“Forever sa wikang Filipino”

 

Naaalala mo pa ba ang wikang Filipino?

O, kinalimutan mo na rin tulad ng paglimot mo sa samahan niyo?

Ang wikang minsa’y bumuo sa iyong pagkatao

Na buhat pa sa angkan ng iyong lola at lolo

 

Nang iluwal ka ng iyong ina sa mundong ito

Wikang filipino ang ibinati niya sa iyo

Naaninag agad sa’yong mukha, na tunay ka ngang Pilipino

Subalit bakit ganoon, ikaw ngayo’y nagbago?

 

“Mama” at “Papa” ang mga salitang unang nasambit mo

Hindi ba’t iyan din ay wikang Filipino?

Sa t’wing tinatawag ka ng mas nakatatanda sayo

Sagot mo’y “po” at “opo” na simbolo ng paggalang nating mga Pilipino.

 

Pumasok ka sa skwela para matuto

Tagalog, Bisaya, Ilonggo, Ilokano ang mga linggwaheng gamit niyo

Iba-iba man ang kahulugan nito

Nagmula pa rin yan sa wikang Filipino.

 

Pumunta ka sa isang dayuhang bansa bilang isang Pilipino

Lumipas ang ilang araw, buwan, taon at edad mo

Nagmature ka at nag-iba ng husto

Kasama ba rito ang pag-iba ng wikang gamit mo?

 

Umuwi ka sa Pinas dala ang mga imported bags na bili mo

“Mom? Dad? I’m here. ” wika mo

Tila nag-iba na yata ang dating nakasanayan mo?

Yan ba ang salita ng bansang pinuntahan mo?

 

Di ka pinabayaan ng magulang mo

Muling itinuro sayo ang kahalagahan ng wikang Filipino

Ikaw ngayo’y namulat na sa totoong mundo

Na ang tunay na karunungan ng Pilipino, nagmula at magtatapos sa wikang Filipino

 

Ang karunungang dala ng wikang ito

Ay mananatili gumuho man ang mundo

Pakisabi sa mga taong sawi ang puso

Na may forever, sa piling ng wikang Filipino.

 

  1. Nebit,9A

 

Wikang Kinalakhan

 

Marami ng henerasyon ang pinagdaanan ng ating wika

Marami ring banyagang ginapi,inalipusta ang gamit nating salita

Unti-unting nabubura sa kasaysayan itong wika ng karunungan

Dahil ang mga kabataan Ingles ang pinag-aaralan

 

Kinalimutan na natin itong,wikang pasali-salin

Na nag mula pa sa kanunu-nunuan natin

Di ba ninyo alam maraming pilipino ang nag buwis ng kanilang buhay

Para masalba lang itong wika,na talaga namang napakakulay

 

Bakit ganito?nawalan na ng saysay

At sa ibang lenggwahe tayo ay nasanay

Matagal ng nakalibing pero hindi naman patay

Halina’t bungkalin natin ibangon mula sa hukay

 

Tayo’y mag kaisa  sa wika ng filipino

Tularan natin si huseng sisiw at francisco

Hindi man tayo makata sana itrato natin ng tama

Itong pinakamamahal at nag-iisang wika

 

 

Muli nating buhayin ang wika ng ating inang bayan

Muli nating ibalik kinang ng perlas ng silangan

Muli nating mahalin,tangkilikin wika ng karunungan

Taas noo nating ipagsigawan,”mahal natin wikang kinalakihan”

 

  1. Trishia Castañeda

 

“Sa WIKA pinadama”.

 

 

Ako’y nalulungkot, nagdaramdam

Sa mga pangyayaring di inaasam

Kay sakit balikan

Ngunit ika’y pilit kinakalimutan

 

Maraming pagod ang sinayang

Maraming saya ang diniwang

Kay daling binitawan

Ako’y pinili mong saktan

 

Parang kailan lang no’ng tayo’y nagkasama

Pero bakit ngayon iniiwasan ang isa’t-isa

Batid ko ang pait at sakit

Kita ang puot sa mga ngiti kong pilit

 

Naalala ko pa ang panahong iyon

Sinuyo,binigyan ng tsokolateng nakakahon

Lumubog man ako at tangayin ng alon

Hayaan mo,ako’y muling babangon

 

Ngayon lang ako nagising

Wala kana pala sa aking piling

Gabay ka sa pagsulat

Habang mata’y nakamulat

 

Wika kitang tinuringan

At lubos pang pinahalagahan

Kailanman ay nirespeto

At minahal ng totoo

 

Sa wika ko pinaabot

Mga ugaling nilulumot

Masama man sa mata ng tao

Ni minsa’y di nagbalat-kayo

 

Kay dami mong dahilan upang ako’y bitawan

Pinatay mo ako ng dahan-dahan

Pasasaan ri’y di na kita makikita

Kasama ng puso kong malayang malaya

 

Wika ang naging sandigan

Labanan lahat ng pusong sinugatan

Masigla akong nakatayo

Inspirado at buong buo

 

Sana’y noon pa’y di kana nakilala

Ligtas sana ako sa pasakit mong dala

Hayaan ko na nga at tapos na

Pag-ibig ay sa wika nalang ipadarama.

 

  1. Joza Louise Resurreccion

 

Pinoy tayo! Panalo sa kahit ano

 

 

Pinoy ako pinoy tayo

Ipakita sa mundo

Kung ano ang kaya mo

Sa ano mang larangan

 

 

Mapa isports man, musika at ano man

Tiyak mapapasigaw ka!

Mahusay! Kakaiba!

Laging umaangat pagkat tayo ang BIDA!

 

 

Sa una pa lamang

Inyo nang makikita

Na tayong mga Pilipino ay puno ng talento

Kaya tara! Ipagmalaki natin ito!

 

 

Dalahin man sa ibang bansa

Makalaban man ang mga banyaga

Sa huli anong nangyari?

Pilipino ang nag wagi!

 

 

Pagdating sa tagisan ng talino

Aba lamang tayong mga Pilipino

Likas na mananalo

Kaya ipagmalaki ito!

 

 

Sa mga dayuhan na dumayo rito

Nabighani nga ba ito, kanino?

Sa mga magagandang tanawin

O pati na rin sa wika at kultura natin

 

 

Kaya tayong mga Pilipino

Gamitin! Ang sariling wika natin!

Huwag ikahiya!

Ito ay pagyamanin!

 

  1. Shanine Panaguiton

 

“Pahalagahan ang Sariling Wika”

 

Wikang Filipino ating gamitin

Huwag sana nating abusuhin

Gamitin sa maayos na paraan

Para  tayo ay may karunungan.

 

Maraming Filipino sa ating bansa

Para sa kanila wala ng halaga ang ating wika

Dahil nakatira na sa ibang bansa

At pag uwi Ingles ang sinasalita.

 

Wika ng karunungan sigaw ng ating bayan

Dapat nating pahalagahan at alagaan

Para tayo ay maging isang tunay na Filipino

At dala-dala natin kahit saan mang sulok ng mundo.

 

 

Wika ng karunungan huwag nating kalimutan

Mahalin at panindigan

Sa anu mang karahasan na darating sa ating bayan

Kailangan nating ipaglaban.

 

  1. Hazel Ruth Juanico

FILIPINO:WIKA NG KARUNUNGAN

 

Ano nga ba ang dahilan?

Ba’t ngayon tayo’y nagkakaunawaan.

Dahil ba sa ating kakayahan?

O sa wikang nagmula mismo sa ating bayan?

 

Filipino,ano nga ba ito?

Dekorasyon?Pagkain?Aksesorya?

Maaaring ito ang na isip mo,

Ngunit mali ka!dahil ito ang pagkakakilanlan ng ating pagkatao.

 

Sa araw-araw ito’y ginagamit,

Sa ating bibig laging sinasambit.

Nakangiting hindi mapait,

Ni walang halong panlalait.

 

Ingles nga ang iba,

Ngunit maunlad ba sila?

Oo,Pilipino tayo kung tawagin,

Pero hadlang ba to para pangarap nati’y abutin?

 

Tayo’y hindi banyaga,

Kaya sa ingles ‘wag tayo masyadong humanga.

Hindi rin naman ito ang batayan,

Upang umasenso ang ating bayan.

 

Sa lahat ng aspeto,

Magagamit ang kaalaman ng isang Pilipino.

Sa kompetisyon ri’y di papatalo,

Maiuwi lang ang medalyang gusto nito

 

Pilipino ang magiging instrumento,

Para mas umunlad ang wikang Filipino.

Kaya’t ano pang hinihintay mo?

Halika ka!Sama-sama tayo rito.

         

 

FiILIPINO! ito ang wika ng karunungan

Dahil puno ito ng kaalaman

Na sa ating mga Pilipino nakalaan,

 Ngayon at magpakainlanman.

 

  1. Lester John Estolonio

 

Dakilang Natatangi

 

Sa mga piling salita, kagalakan sa ating wika’y ilalathala

Nang buong puso’y akin itong ibabantala

Ako’y isang Pinoy na may sariling wika

Na kailangang linangin, bigyan ng pangangalaga

 

Tila pinitas na bunga, ang wika nating pinagmulan

Hitik sa kaalaman, punong puno ng karunungan

Parang gayumang nagpapaibig sa mga dayuhan

Karunungang pinoy, Ikaw ang pinagmulan

 

Wikang Filipino’y, di ko lubos maunawaan

Talinhagang malalalim, aral ay tiyak na kapupulutan

Mga istoryang nagmula sa iba’t ibang bayan

Halina’t ipagmalaki, gawang Pinoy yan!

 

Hindi maikakailang, wikang Filipino’y di kumukupas

Ito’y natatangi, tulad ng pag-ibig na wagas

Tunay ngang wikang Filipino’y dakila

Na minsan nang nagsilbing paraan, upang tayo’y maging malaya.

 

  1. Kythlyn Mile Samonte

Wika, Nasaan Ka Na?

 

Wika, ano ka ba talaga?

Aapat lamang na titik

Talagang kay ikli mo pala

Nawawalan na ako ng gana

Hahanapin pa ba kita?

 

Mga bata’y di na sa’yo ang pansin

Pati nga ako’y nakikigaya na rin

Sabi nila, mahalin ko raw ang sariling atin

Narinig ko na naman!

Ngunit bakit kailangang ulit-ulitin?

 

Natuto na akong tumambay sa kanto

Kaliwa’t kanan na rin ang bisyo

Sumingit pa nga ‘tong tropa ko

Nakakairita, eh ang tanong lang pala,

Kung may sobra pa ba akong sigarilyo

 

Dati rati’y , laganap ang ‘yong kasikatan

Naririnig kita sa kaliwa man o kanan

Kasali pa nga ako dati sa paligsahan

Tanda ko’y napalitan na raw ng “fliptop” ang sinalihan kong balagtasan

Mabilisang tagisan pa talaga noon at patalinuhan

 

Marami talagang alaala ang dala mo, Wika

Tanda ko pa noon, sumulat lang ako nang sumulat

Napuno ang kuwaderno ko na hindi ko alintana

Puro mga salitang nagtutugma ang makikita

At naaalala kong, lahat ‘yon ay aking mga tula

 

Inaanay na ata lahat ng plumang di ko pa nagamit

Nasayang lang ang mga tintang dapat ay aking ipinangguhit

Mga gawa ko dati ay nasira at napunit

‘Di ko man lang naisipang ingatan, kahit medyo maliit

Nang sa aking dingding ay maisabit

 

Wika, nasaan ka na?

Pag gising ko isang araw, ika’y biglang wala na

Babalik ka pa ba?

Sana nama’y oo

Dahil ako’y patuloy na umaasa

 

Teka! Sandali nga!

Hindi ka mawawala kung hindi kita binalewala

‘Di ka magiging singliit ng asin,

Kung ika’y binigyan ko ng pansin

Ang laking tanga ko pala kung iisipin!

 

Tanong ako nang tanong sa iba,

Kung nasaan ka ba nagtungo?

Hindi ka naman pala talaga naglaho

Nariyan ka lang, nagmamasid sa’min

Hindi ka nawala, narito ka lang sa aming puso’t damdamin.

 

-Ph.D

 

 

 

 

  1. Is Nai Kim

Gamitin at Mahalin ang Wikang Filipino

 

Ako ay kabataang alisto at masigla               

At mahusay daw ako ,yun ang sabi nila  

a Wikang   Filipino ay sadyang bihasa           

 At laging panlaban sa Wikang Filipino 

Huwag nating kalimutan ang Inang Wika    

Atin ng gamitin at huwag ikahiya                 

Sa Inang Wikang mahal ng bayan kong sinisinta                                                                                   

May iba-ibang wikain man,ngunit diwa ay iisa                                                                               

Kung iyong ingatan at pagyamanin ang Wikang Filipino                                                               

 Daig mo pa ang edukado                                

Ngunit kung sa Wikang Filipino

ay walang  pakialam at walang respeto                     

Daig mo pa ang palaboy na aso                                  

  Nawa’y napukaw ko ang puso’t isipan nyo,

marangal na damdamin                                 

Inang Wikang Filipino nararapat linangin              

Sana,kayo,tayong lahat ay mabuklod sa banal na layunin                                               

 Wikang Pambansang Filipino ay gamitin at mahalin

 

  1. Rizz Andrea

 

Filipino na Aking Mahal

 

Ang wikang dapat pagyamanin

Ang wikang kinagisnan natin

Filipino na dapat pahalagahan at gamitin

Na akin din namang inihahabilin

 

Hangaring hinding hindi iwawaglit

Pagpapahayag ko bawat saglit

Damdamin kong sumasambit

Wika na ‘di dapat minamaliit

 

Sa dinami raming wika sa mundo

Tanging nangingibabaw ang wikang Filipino

Maipagmamalaki sa lahat ng tao

Higit sa lahat sa aking puso

 

Damdamin ko na laging humihirit

Tila ba’y nagpapahiwatig

Filipino na laging niluluwalhati

Karunungang hindi mapapatid

 

Nagmula sa inang bayan

Sa malayong silanganan

Wikang Filipino na ‘di mapapantayan

Madadatnan ng may karunungan

 

Wika ng karunungan na minamahal

Mula kaibuturan ng puso kong mapagmahal

Magpakailanma’y hindi mabubuwal

Wikang Filipino na aking mahal.

 

 

  1. Aowen Carbonell

 

YAMAN

 

Ating wika  ay tunay na kayamanan

Wagas na pagmamahal ay ating kailangan

Gamitin natin ito sa tamang paraan

Wikang Filipino ating pahalagahan

 

 

Tayo ay may kaalaman

Sa wikang ating kinalakihan

Ito’y paraan ng pakikipag-ugnayan

At magsilbing tulay sa kabihasnan at kaunlaran

 

 

Bilang simbolo ng pagka Pilipino

Mahalin natin ang Wikang Filipino

Sapagkat pinagbuklod-buklod tayo

Sa hangaring uunlad nang lalo

 

 

Makarating man tayo sa ibang bansa

Dalhin natin ang ating wika

Huwag nating ikahiya

Ipakita ang pagiging Pilipino sa isip , gawa at salita

 

 

 

  1. Ella Marie Alarcon

 

Instrumento Ng Karunungan

-vanElla_yEma13

 

Bayang aking sinilangan

Ipinagmamalaki ko kaninuman

Pagkakaiba sa lahat ng bagay ay ‘di maiiwasan

Ngunit namumukod tangi naman ang ipinapakitang katangian.

 

Wika ko’y walang katulad

Wika ng ibang bansa’y ‘di maihahalintulad

Ito ay nag-iisa, Ito ay naiiba

Wikang Filipino, isinasapuso’t diwa.

 

Kung sa iba, tingin nila’y nagdadala lamang ito ng kahihiyan,

Para sa akin, dala nito’y karunungan.

Kaalamang taglay nito ay ‘di maituturo ng ibang tao,

Sapagkat ito’y nagmumula sa ating mga puso.

 

Katayuan sa buhay ay hindi batayan.

Ang mahalaga ay napapaunlad mo ang iyong karunungan.

Hayaan mong kutyain ka man ng lipunan.

Ang mahalaga, alam mo sa sarili mo na wala kang nasasaktan o naaapakan.

Ano mang balakid ay kayang lagpasan. Ano mang hamon ay kayang solusyonan.

Ipakita natin sa buong mundo

Na ang mga Pilipino ay dapat nirerespeto.

 

Hindi man tayo sagana sa materyal na bagay,

Hindi naman mapapantayan ang ating karunungang taglay.

Wikang Filipino na ating kinagisnan,

Ang siyang magbibigay sa atin ng sapat na karunungan na magdadala sa atin tungo sa magandang kinabukasan.

 

  1. Cristine Angela Tandoy

 

WIKA NATIN PAGYAMANIN MAHALIN

 

Wikang Filipino ating pagyamanin,

Pananalitang sarili ng bayan natin.

Gamitin ng maayos, mabuti at magalang,

Saan mang daku ng mundo ating pahalagahan.

 

Ingatan at ipagmalaki ang wikang Filipino,

Sapagkat ito ang dahilan ng pag-uunawaan ng bawat Pilipino.

Nanggaling man tayo sa iba’t ibang tribu,

Sa wikang Filipino tayo’y nagkakasundu-sundo.

 

Wikang pambansa ay ating mahalin,

Paggalang at pagpapapahalaga ay laging isapuso natin.

Lahat ng daku ng mundo atin mang marating,

Kaisa-isang wikang sarili natin, huwag na huwag lilimutin.

 

Kapwa ko Pilipino tayo’y magkaisa,

Bansang Pilipinas marangal dakila

Ipagsigawan natin ipagmalaki’t ipagbunyi

Wikang Filipino minamahal, ginigiliw, sinisinta.

 

  1. Ivan Reyes

 

 Wikang Filipino at Pagiging Pilipino

 

 

WIKA ANG TULAY NG KOMUNIKASYON

KUNG SAAN MAY PAGKAUNAWAAN SA ISANG NASYON

DAYALEKTONG NAKASANAYAN WAG IBAON

SAAN KA MANG LUGAR MAPAROON

 

HIDWAAN AT DI PAGKAUNAWAAN

WIKANG FILIPINO ANG SIYANG DAAN

UPANG KAPAYAPAAN AT KAUNLARAN

MAKAMTAN NG ATING MAHAL NA BAYAN

 

WIKANG PILIPINO AT PAGKAPILIPINO IPINAGSISIGAWAN KO

KAHIT SAAN MAN AKONG LUPALOP NG MUNDO

DAHIL DITO KARUNUNGAN AY MATAMO

KAYA IKAW, AKO TAYO IPAGMALAKING TAYO’Y FILIPINO

 

TAONG WIKANG FILIPINO ANG GINAGAMIT

LAHAT NG MITHIIN KANYANG MAKAMIT

KAHIT KALABAN AY PAGSUBOK NA MAHIGPIT

KAYANG LAMPASAN KAHIT GAANO KALUPIT

 

ANG TUNAY NA PILIPINO

HIDI IKINAHIHIYA KUNG ANO MERON TAYO

KAYA AKO’Y SUMASALUDO

SA PILIPINONG TOTOO

 

PARA SA AKING SUHESTIYON

WIKANG FILIPINO MULING IBANGON

WIKA NG MGA BANYAGA’Y DAPAT ITAPON

PAGHAHANDA SA BAGONG HENERASYON

 

TAYO AY NASA ISANG BANSA

NAKASALUDO SA IISANG BANDILA

GAMIT ANG IISANG WIKA

WIKANG PAMBANSA HINDI SA MGA BANYAGA

 

PARA SA PILIPINONG MAMAMAYAN

ANG AKING HULING BANAT AY PAKINNGAN

PARA SA PAGIGING MAKABAYAN

GAMITIN NANG LAHAT ANG WIKA NG KARUNUNGAN

 

 

  1. Yanna Nimez

 

Wika ng Karunungang FILIPINO

 

Wikang Tagalog ating ginagamit na mahigit sa isang libong taon.

Araw-araw ito’y dala-dala at baon-baon.

Ngunit bakit tila sa paglipas ng mahabang panahon

Wikang Filipino’y unti-unting nawawala’t bumabaon.

 

Bata’t Matanda ito’y bigyang halaga.

Huwag sa wika ng dayuhang banyaga humanga.

Sana’y tangkilikin ang ating sariling wika,

Sapagkat ito’y hindi sa’tin iba.

 

Sariling wika’y gamitin sa tamang paraan.

Huwag sa kayarantaduhan.

Wikang Filipino’y kailangang isapuso’t isabuhay,

Bunutin ito sa sariling hukay.

 

Bayang tinubuan,

Perlas ng Silanganan.

Gamitin sariling diyalekto,

Tawagin nating Wika ng Karunungang Filipino

 

Wikang Filipino, Wika ng Tahanan

                                    Ni: Christine L. Siguano ABM

 

Ito ang wika na aking kinamulatan

Turo ng aking Inang sa aki’y nagsilang

Hanggang aking labi ay natutong magbigkas

Sa paggamit ng wika’y naging matatas

 

Nang ako’y nag-aral, ako’y natutuwa

Bakit tila yata ang daming wika

Ako’y humanga sa wikang nalaman

Wikang Filipino, Wika ng ating bayan

 

Di naglao’y wikang Ingles natutuhan na rin

Nagmula sa wikang Filipino, ito’y isinasalin

Bawat salita, itinuturo nang unti-unti

“Yes” ang oo, “No” ang hindi, “Right” ang tama, “Wrong” ang mali

 

Gusto ko lang linawin, diba’t ito’y Pilipinas?

Bakit pati ba sa wikang Ingles dapat ay matatas?

Kung tayo ay mga Pilipino bakit pa kailangan

Na ang wikang banyaga ay ating matutuhan?

 

Tugon nila’y lubos itong nakatutulong

Kung wikang panlahat, tayo ay marunong

Pagkat mga banyaga’y dadayuhin ang ating bayan

Negosyo’t Pagpasyal nila’y isa sa susi ng kaunlaran

 

Makapagpaunlad man sa ating bayan ang Ingles

Wikang Filipino pa rin ang sa atin ay nagbihis

Pagkat sa paaralan, upang mag-aaral ay matuto

Mula wikang Ingles, sinasalin sa wikang Filipino

 

Hindi masama ang matuto ng wikang banyaga

Basta’t sariling atin ay huwag ipagsawalang-bahala

Dahil isa ito sa mahalagang pagkakakilanlan

Ng bansang masagana na dati’y ipinaglaban

 

Kung lahat tayo’y di gugustuhing darating ang panahon

Wikang ito’y di maaabutan ng susunod na henerasyon

Kaya’t wikang sanhi ng pagkakaintindiha’y ingatan

Ang kinagisnang wikang Filipino, wika ng tahanan

 

 

  1. Altaine Ceship

Filipino, Ating Wika

 

Filipino, sariling wika ng ating bayan,

Mayroong mga salitang may kabuluhan,

Gamitin sa katalinuhan, sa karunungan,

Nang maging tama at wasto ang kahihinatnan.

 

Sabi nga nila, hindi naman nagging masama,

Matutunan ang mga wika ng ibang bansa,

Bagkus ang sariling atin ay mas mahalaga,

Gaya ng Tagalog o Bisaya, alam mo ba?

 

Kahalagahan ang wika sa panahon natin,

Pang-komunikasyon, bigkasin man o sulatin,

Pag-ibig sa bayan, sa wika, ay uunahin,

Panigurado ay hindi ka pa lilisanin.

 

  1. Stephanie Curry Lim

 

Wikang Filipino ay nasa puso ng bawat Pilipino

 

Wikang Filipino ay ang ating karunungan

Na nagtataglay ng lahat ng katuruan

Na dapat ay pinapahalagahan

Sapagkat ito’y may kabuluhan

 

Atin nang ipagmalaki ang wikang katutubo

Sapagkat sumasalamin ito

Sa ating pagkatao

At pagiging tunay na Pilipino

 

Ngunit batay sa aking mga nakikita

Katutubong wika ay binabalewala

Wika ng dayuha’y kanilang minamahalaga

Sumusunod sa katuruan ng mga banyaga

 

Hiling ko sana’y kanilang mapagtanto

Na ang wikang Filipino

Na syang ipinamana pa ng mga ninuno

Ay nasa puso ng bawat Pilipino

 

  1. Darlene Lu

Wika ng Ating Pagkatao

 

Dugong dala nati’y

Simulat sapul ay mana

Ngunit kung sino tayo’y ating nilimot

Wika’y umugnay, bumuklod!

Wika’y siyang naglilok

Sa’ting pagkatao!

 

Ating wika’y naging daan

Upang kalayaan ay makamtan

Sa dilim sa ati’y komupkop.

Sa literaturang gawa ng mga makata

Inangat, kalooban ng ating mandirigma,

Gumising sa’ting isip, sa yaring sitwasyon.

 

Filipino yaring buha’t wika,

Hindi kailanman natumbasan ng mga banyaga

Humayo kayo mga kapwa makata

Pantayan natin ang iba

At kailanma’y huwag magtaksil

Sa ating tunay na pagkatao!

 

Pantay-pantay tayong lahat

Ngunit sa’ting puso’y,

Wikang filipinong makatarungan angat

Pagyamanin at alagaan,

Ang wika ng karunungan

Na sana’y di tuluyang ating malimot!

 

  1. Faeyette Trishia Baldestamon

“Wikang Filipino ay Ipagmalaki”

 

Wika ng Katarungan ay ating alaagaan,

Ito’y mahalin at panindigan,

Wag ikulong sa kadiliman,

Dapat ito ay ating parangalan.

 

Ito’y pinamana ng ating mga ninuno,

Para gamitin nating mga tao,

Hindi sa masama kundi sa tama,

Para wikang Filipino ay Malaya.

 

Sa Luzon, Visayas at Mindanao,

Wikang Filipino ay umiibabaw,

Dahil ay perlas ng pilipinas,

Wikang Filipino ay sambit-sambit bawat oras.

 

Wikang Filipino ay dala-dala,

Kahit saan man tayo pumunta,

Ito ay tama at hindi mali,

Kaya wikang Filipino ay ipagmalaki.

 

  1. Kryzel Joy Necesito

 

Filipino,Aking Wika

 

Lupang aking pinagmulan

Pilipinas ang siyang pangalan

Hilaga,timog,silangan at kanluran

Wikang filipino ang siyang karunungan

 

Filipino ang aking wika

Ito na ang nakatadhana hindi pa man ako nililikha

Wikang aking ipagmamalaki

Kailan may hindi ako magsisisi

 

Wikang panghabang buhay

Ay bigay ng Diyos na aking taglay

Kailan may hindi magbabago

Pagkat ito’y mananatili sa puso ko

 

Filipino wika ng karunungan

Kailan may hindi ito mapapantayan

Wikang aking kinagisnan

Mananatili magpakailan man.

 

  1. Juwina Bulaclac

Wikang Filipino

 

 

Mahirap nga bang simulan

Tulang sa isip gustong pakawalan

Para aa puso’y mapagsiksikan

Ang Wikang nais ipaglaban

 

Sinimulan ng ating mga ninuno

Itatatak sa utak kanilang tinuro

Palawakin nation at ipalago

Huwag mating ikahiya’t itago

 

Filipino, San man sa mundo

Binabahagi Wikang Filipino

Itinatak sa isip pati na sa puso

Kahit pa mundo’y gumuho

 

Wikang Filipino, nais ipagmalaki

Wikang Filipino, sa puso mananatili

Wikang Filipino, karunungan ang nababahagi

Wikang Filipino, sapat na, higit na

Huwag ng humanap ng iba

 

  1. Jyzle Nebit

Wikang Aking Ipinagmamalaki

 

Saan man mapunta

Wika ko ay aking ipapakilala

Hindi  ikakahiya

Kahit sino man sa mga banyaga

 

 Sa puso ko wika ay may dalang karunungan

Dahil ito ang nagbibigay karangalan

wala man sa museo

Pero ito ay makakasaysayan

 

Wika na ginamit ng mga bayani

At ang wika na di ko kayang ikubli

Sa likod ng dilim

Wika ko ay may kahulugang malalim

 

At sa huli sana wag nyong itanggi

Wika natin ay talaga namang kawili wili

Yan ang wika na kaya kung ipagmalaki

Kahit na sa harap ng marami

 

  1. Britney Claire Caspillo

Wikang Filipino at Ang Kabataan

 

Wikang Filipino ay dapat nating pahalagahan  

Sapagkat ito ay sumisimbolo ng ating bayan 

 Ngunit ano na nga ba ang nangyayari ngayon? 

Sinasambit na natin ang wika ng mga taga-ibang nasyon.  

      

 Ito ay namana pa natin sa ating mga ninuno   

Dahil dito, karunungan ay natamo  

 Ating wika, ating     pangalagaan  

Huwag sana nating pabayaan.    

 

kabataan sa ngayong henerasyon ay biglang nagbago  

Mas marami pa silang kaalaman sa wika ng mga kano at mga koreano  

Nanalaytay pa ba sa inyo ang dugong Pilipno? 

Dahil sa totoo lang, Nagiging dayuhan na kayo sa sarili niyong teritoryo.  

 

Asan na ang ating panata?

 Na araw-araw nating pinanunumpa sa harap ng ating bandila  

Dapat sa natin itong tuparin sa isip, salita at gawa  

Ngunit ngayon, lahat na lamang puro salita.

 

  1. Janna Jimenez

Basurang Tila

 

Naalala mo pa ba ang wikang iyong kinalakihan?

Wikang unang lingwahe na iyong natutunan?

Naalala mo pa ba kung pano mo ito unang nasambit?

At tila nauutal utal pa at pilit iginigiit.

 

Lumaki ka’t tila naging edukado

Englesero ang bansag ng halos lahat sayo

Komunikasyon sa iba,engles na lingwahe ang dala

Di pa nakuntento pati lingwahe ng ibang bansa

Sinasambit mo na’t pinagmamalaki pa

 

Edukado ngang naturingan

Wikang filipino nama’y kinalimutan

Ni isang beses may di masambit

At parang iniiwasang pilit

 

Di nawala ang wikang Filipino sayo

Sadyang nilamon na ng ibang lingwahe ang pagka edukado mo

Umalis ka’t nakisalamuha sa ibang tao

Ngunit ibig sabihin na ba nito’y dapat nang kalimutan at isantabi ng bahagya ang wikang kinagisnan mo?

 

Wikang kinalakihan, pinagpalit at kinaligtaan

Ito’y di nawala’t ni minsa’y di nagtangkang ika’y iwan

Ngunit anong kasalanan nito’t pilit iwinawala

Itatapon mo na ba ito bagkus para sayo’y ito’y basurang tila

  1. Mil Patrick Nimez

Pangaral Ng Sariling Wika

 

Lakbayin ang kanluran

Libutin ang silangan,

At ang wika ay pag-aralan

Para ma’y dagdag kaalaman

 

Limutin ang ibang wika

At mahalin ang sariling wika,

Para bumunga ng kaganahan

Hanggang sa ibabaw ng kalangitan

 

Ibura ang nakasanayan

At baguhin ang kasaysayan,

Para sa magandang kinabukasan

At sa maligayang pagsasamahan

 

Ituro ang wika sa bata

Dala ang wika ng bansa

Upang hindi ito mawala

Kahit pumunta man sa hilaga

 

Pangalagaan kung anong meron tayo

Para iguhit sa dulo ng mundo,

Ipinagtanggol ng mga bayani

Upang kayamanan ay mapanatili

 

Komunikasyon ng Pilipino

Kinokumpleto ang buhay ng tao

Minahal ng buong puso

Ito ay wikang Filipino

 

Wikang Filipino, oo, wikang Filipino

Pagmamahalang punong-puno

Ito’y galing pa sa ninuno-ninuan,

At nagbibigay ng pangalan

Na dapat tularan.

 

  1. John Marshall Lapat

Pluma ni Ama

 

Malalim ang

pinagmulan

Filipino, wika ng bayan

Mula sa nakaraan

Atin sanang alagaan

Wag natin kalimutan

 

Buhay pa kaya ang mga makata?

Baka naman tuluyan nang nawala

Dahil na rin sa iyong pangungutya

Ingles ang gamit sa halip na filipino

Baka naman maturingan kang amerikano

 

Noo’y filipino ang laging gamit

Ngayo’y ingles na ang sinasambit

Pilipino pa kaya ika’y ituring

Kung ang gamit ay lengguwahe ng matsing

Mas masahol ka pa sa lantang saging

 

Dapat ay mahalin natin

Sariling wika na atin

Tagalog, ilonggo, bisaya

Isama mo pa ang muslim at tiruray

Sama-sama natin isabuhay

 

Wikang filipino’y wag takbuhan

Atin sanang ipangalandakan

Mga banyaga nagiging tulala

Sa ganda’t talino ng pilipino

Dala ng lahing totoo

 

Wika ng karunungan

Filipino, atin ipagsigawan

Luzon, Visayas at Mindanao

Nawa’y atin matanaw

Pag-unlad atin isigaw

 

Lahat ng ito’y aking isinulat

Gamit ang lumang pluma ni ama

Mga mata niyo ay idilat

Basahin itong aking ginawa

Damdamin ang bawat kataga

 

  1. Clare John Devalgue

Wika Ang Siyang Tangi, Sa Puso Nati’y Minimithi

 

Wikang Filipino’y taglay ang talino

Bukas kaylan may kung saan ka papatungo

Sa iyong landas ikaw ay hatid nito

Dala ang aral ng pagka-pilipino

 

Ngunit ngayo’y tingnan mo, Anong nangyari?

Ibang banyaga na ang gamit ni pare

Nag-aaral sa pag-ingles si kumare

Ano na lang kaya sa’tin ang mangyari…

 

Tayo na Pilipino magsama-sama

Isigaw ang wika mo na siyang tala

Ipagmalaki at huwag ikahiya

Sa atin ay kaakibat, ang s’yang wika

 

Wika sa’tin ang s’yang natatanging lakas

Na s’yang sandata sa buong Pilipinas

Kahit may malakas na bagyo hahampas

Sa puso’y itatak ang wika ng perlas

 

Wikang Filipino’y dapat na gamitin

Ipagmalaki’t ganap na mahalin

Sa puso at sa isip ating yakapin

Nang may saysay ang wikang gamit natin

 

Kahit man mamatay ako’y maligaya

Pagkat piling ko ang sinisintang wika

Na sa lahat ng problema’y nanging kasangga

Sa lahat ng pag-ibig siya’y aking luha

 

  1. Nikka Sanz

 

Wika Ng Pagkakaisa

 

Sa bansang Pilipinas

Kaunlaran,Kapayapaan ang nais

Pero dahil sa mga pamahalaang wais

Mga kaguluhan ay labis labis

 

May wika tayo upang magkaisa

Para gawin ang tama

May karunungan tayo sa bansa

Gawin sana natin ng kusa

Para sa pagpapaunlad ng bansa na hindi humantong sa wala

 

Karunungang taglay

Dapat nating isabuhay

Upang maging tulay

Sa minimithing tagumpay

 

Gamiting tatak sa ating utak

Upang di mawasak

Ang bansang tinatag

Na ang wika ang nagpapakatatag

Para di sa kangkongan ang bagsak.

 

  1. Berico

 

Wikang Maharlika

 

Wikang kinalakhan

Atin itong ‘wag kalimutan

Wikang ugat ng karunungan

Filipino ang pangalan.

 

Wika ng mga banyaga,

Akala nila’y wika ng mga mariwasa

Wikang Filipino tinuturing na wika ng mga dukha

Huwag ipagpalit ang ating kinagisnan sa mga bagay-bagay na pag-aari ng sino man.

 

Hindi tayo isinilang upang ikahiya ang sariling atin,

Dapat natin itong pagyamanin upang tayo’y di alipustain,

Ng mga taong walang pakiramdam sa ating mga damdamin.

 

Karunungan! Iyan ang ating kailangan,

Karapatan nating matutunan ang wikang maraming nilalaman,

Wikang hindi pwedeng tapak-tapakan ng kahit na sino man,

Wikang FILIPINO, wikang pang-mayaman.

Wikang mayaman sa kaalaman.

 

  1. Princess Alleyah Kampang

Minahal nga ba natin  ang wika?

 

Sa panahon ngayon marami

Nang nilimot ang ating wika

Pagbigkas ay maraming kamalian

Maraming nag Iingles at parang

Ginawang pangalawang wika

Ang wikang pilipino na dapat ay Una

 

Maraming nahasa sa wikang di atin

Minsan pa nga pikikipagusap at iba ibang lenguahe

Pagmamahal nito at nawawala

 

Kulturang atin

Minsan di alam

Kailan ba  natin

Itoy muling tangkiliin?

Muli na natin itong mamahalin?

Sa buhay na natin itoy may halaga?

Aminin natin lagi natin to ginagamit

Kaso halos may halong ingles

Maraming nahibang sa ingles naiyan!

Hiling ko sanay itoy muli mating mahalin tulad ng dati.

 

  1. Romnick T. Saripada

Filipino:Wikang Makapangyarihan

Ni:Hataraku08 (Romnick T. Saripada)

 

Wikang atin,wikang makapangyarihan

Dyamante sa halaga’t angking yaman

Hatid ay kislap ng karunungan

 

Wikang atin, wikang sulo ng isipan

Ilaw sa makabuluhang talastasan

Gabay sa kaunlaran ng sangkatauhan

 

Wikang atin, instrumento ng kalayaan

Susi sa gapos ng kamangmangan

Pagpapahayag,binigyang kahulugan

BUHAY Pa Ako, Kaibigan

Buhay pa ako, aking kaibigan
Kahit matagal nang di ako nagparamdam
Pasensya na’t nagapi ako ng isang kalaban
O kaylupit niya, “sakit” ang pangalan

Oo, buhay pa ako’t ngayo’y tumutula
gaya ng gawain ko sa simula pa’t simula
Kahit nagapi man ako at minsang humina
Di ko naman nalimot na ang mundo’y isang tugma.

Katugma ng buhay ko yaring pait at dusa
Na ayon sa iilan, ang mga ito’y pampalasa
Ngunit kung iisipin sa taludtod at saknong pa
Katugma pa rin natin ang tuwa at ligaya.

Buhay Pa Ako, Kaibigan, Buhay Pa Ako
Taglay ko pa ang lakas na mabuhay sa mundo
Buhay Pa Ako, Kaibigan, Buhay Pa Ako
Tutula Akong muli, Halika, Tumula Tayo…

paghihintay sa pag-ibig (tula para sa aking sinisintang si HEA-FJC) sinulat ni: marvs

isang paruparo ang minsang naglakbay
dala ang galak na walang kapantay
sa daang binagtas merong nakasabay-
isang bubuyog na masayang tunay

sa gilid niyong daang makitid
isang bulaklak ang tila sumisilip
bulaklak na maganda,bulaklak ng pag-ibig
na sa dalawang manlalakbay talagang nakaakit.

ang bubuyog ay siyang agad na lumapit
sa bulaklak dumapo at biglang humalik.
ang bulaklak ay umiling at tila ang sinambit
“ayaw ko sa iyo manliligaw na pangit.”

at ang bubuyog ay lubhang nasaktan
pumatak ang luha, umalis na tuluyan
at ang paruparong sa tabi’y nag-aabang
lumapit sa bulaklak, lumuhod sa harapan.

ang bulaklak nama’y nabihag na agad
ang kaninang ayaw ngayo’y bumaligtad.
sa kisig ng paruparo’t sa makukulay na pakpak
tila karangyaan ay kanya nang nahanap.

“iniibig kita mutya kong giliw
at sana ako’y iniibig mo rin.
kung ang mahalin ka ay pasakit sa akin,
hayaan mong masaktan ang aking damdamin.

ang bulaklak ay ngumiti saka nagwika
“ngayon di ko tutumbasan ang iyong paghanga
pagkat ako’y umibig na at minsang lumuha
dahil sa labis akong nagtiwala.”

ang paruparo’y yumuko saka tumalikod.
ang makukulay na pakpak,pinadilim ng lungkot
mabilis na umalis, walang lingon-likod
at ang puso’y pinigil na yata sa pagtibok.

lumipas ang ilang araw, di na nagbalik
ang bubuyog at paruparong nagdanas ng sakit
pagkat ang bulaklak na inakala nilang matamis,
nang kanilang tikman ay saksakan ng pait.

ang bulaklak ay nalungkot, lubhang nalumbay
pagkat sa ganda niya’y wala nang tumatanaw.
walang ano-ano’y may tagabukid na dumaan;
tumigil sa bulaklak,inamoy,hinagkan.

“kung ikaw ay mutyang para sa akin,
kahit sa panaginip akin kang susuyuin.
alam kong ika’y lilipas at lilisan din
ngunit ako’y maghihintay sa muli mong pagdating.”

maya-maya pa ang bulaklak ay nalanta.
nahulog ang talulot, pumangit,tumanda.
ang tagabukid naman na nangungulila,
araw-araw tumutungo sa sinubulan ng mutya.

at isang araw muling namukadkad
bulaklak na maputi ,humahalimuyak
ang tagabukid na sa labis na galak,
tumulo ang luha at tuluyang napaiyak…

walang ano-ano ay naging dalaga
ang bulaklak naging babaeng napakaganda
lumapit sa tagabukid,ang mukha ay sumaya
saka nagtungo sa simbahan ang dalawa.

tula ng pag_ibig

PAG-IBIG: isang bahaghari

ni Marvin Ric Mendoza

 

Kung ang pag-ibig ta’y isang bahaghari,

ako ang maputing ulap na napili;

ang araw ay ikaw na siyang may-ari

ng mayamang kulay na bumibighani

 

Mapugto man ito kung saka-sakali

at luhang manlaglag sa dakong tanghali.

Pagtatakipsilim, o mutya kong tangi,

muling magdurugtong ang napugtong tali.

TULA NG PAG_IBIG

PAG-IBIG!     PAG-IBIG!

ni Marvin Ric Mendoza

 

Pag-ibig…paanong malilimot kita?

Ikaw ay gunitang pagkaganda-ganda;

kung ipinid ko man ang luhaang mata,

sa mahapding puso’y pipitlag-pitlag ka!

 

Bagwis ka ng isang gunitang matamis,

papaga-pagaspas sa pinto ng dibdib;

hihimig-himig ka at kinakalabit

ang bagting ng pusong ibig nang mapatid!

 

Nang mapatamis ka’y ininom kong lahat

sa saro ng buhay ang lamang kamandag;

walang kailangang puso ko’y mawasak

sapagkat sa luha’y lalo kang didilag!

 

Kasawian…Pangungulila

 

Sa daang sementado habang naglalakad

Ako’y nakakita ng ibong umiiyak.

Ang luha sa mata ay walang tigil sa pagpatak

Na tila baga nawalan ng nililiyag.

 

Nang aking usisain, aking namasdan

Isang pugad na wasak sa gilid ng daan.

At may nakita pa ako sa loob-looban-

Isang inakay na wala nang buhay.

 

Sa aking nakita, ako ay nahabag

Sa munting inang ibon na ayaw lumipad

Tila ba binabantayan ang bugtong na anak

Hanggang sa magising at muling mayakap.

 

Napatanong ako kung sino ang may gawa

Tao ba o kalikasan kaya?

Sino at ano ang walang awa

Na kumitil ng buhay at nagdulot ng luha?

 

Sa aking nadama, ako’y nakabigkas

Ng mga katagang may pagwawakas

“ o inang ibon, ngayon ika’y lumipad

At iyong ibalita ang kabiguang naganap.”

 

“ Iyong tanggapin na sa ating mundo,

ang supling ay biyaya bagamat pinahiram lang sa iyo.

At kung kinuha man ang biyaya sa panahong di mo pa gusto

Tanggapin mo na lang at ang kabigua’y iluha ng husto”.

 

————-ang tulang ito ay para sa aking mahal na kaibigan, kapatid, kapuso, kapamilya…at sa kanyang supling na si baby angelo na pumanaw bago pa man masilayan ang mundo noong nobyembre 9, 2013.

————-ang tulang ito’y nilikha ngayong nobyembre 22, 2013

ibulong mo sa hangin mahal!

Ibulong mo sa hangin o aking mahal
ang yong sinasamo sa ating maykapal
saka kung matupad ay iyong itanghal
at pasalamatan ang kaylaking tagumpay.

Sa iyong pagbulong tiyakin mo lamang
kung saan patungo ang hanging hahagkan
sapagkat kung hindi, may pagsisisihan
ang ‘yong pusong maliligaw na tuluyan.

Ibulong mo sa hangi’t ulit-ulitin
ang ‘yong kahilingang ninanais kamtin
saka kung matupad at iyong maangkin
pag-ibig ko naman ang iyong hilingin.

isang markang kayhalaga

sa pawis na nunukal habang nakapila
nabubuo ang pagtitiis para sa hangaring maganda
at ang sandaling tila inaksaya,
di aakalaing maganda ang ibubunga

kaya nga matatanaw ang libong pag-asa
sa isang tila walang saysay na marka
na minsa’y tinutumbasan ng munting halaga
at minsa’y nais pang nakawin ng iba.

kaya’t isang araw ang dapat paglaanan
ng tamang nilay-nilay at wastong kaisipan
upang ang isang markang inilaan
pagdating ng panaho’y di pagsisihan.

MAGITING na LAHI

at nang mabuksan ang pinto’y nagliwanag

na animo’y araw na di matitigan

at doo’y nakita ang isang kasaysayan 

ng lahing nagparikit sa sariling bayan.

 

at isang mahabang parada ang natanaw

habang may paghihirap na naaaninaw

sa mukha’t pagal na katawan

ng mga Pilipinong karamiha’y nagsipanaw.

 

at doo’y naisulat ang kagitingan 

ng lahing kaytapang

sa pagtitiis at pagkalagas ng buhay

ay nabuhay ang karangalan ng bayan.

 

kaya nakasulat sa mga papel ng karunungan

ang naikintal na pambihirang kaganapan

na siyang nagbigay ng tunay na kahulugan

ng pagmamahal sa inang bayan.

 

sila’y nagtiis

naghirap

ginapos ng tanikala

niluraan

inuhaw

ginutom

sinaktan

 

at dahil sa kabayanihan

ay inaalala ngayon ng buong sambayanan.

 

“mabuhay ang lahat ng magigiting na PILIPINO

sa ARAW ng KAGITINGAN

at sa ordinaryong araw ng bawat marangal na buhay”

—G. MANUL

ANG PAG-IBIG

tula para sa buwan ng mga PUSO


 


ANG PAG-IBIG


Ang pag-ibig ay brilyanteng sa kislap ng araw kumikinang
na  ang uri ay sa kintab na iyong matatanaw.
Brilyanteng mula sa lupa nang iyong masulyapan
ay tila nagsasabing ika’y mapalad na nilalang.

Ang pag-ibig ay para ring salapi na hinahanap-hanap,
kapag natagpuan na’y pustura na’t nakagayak;
Bagaman kung ang nakatagpo’y hindi maingat
ay maaring mawala at di na muling mahahanap.

Ang pag-ibig ay kulay man din sa bahaghari
na ang kahulugan ay hindi mawari.
Pitong kulay na iba-iba bagaman isa ang tinatangi
ang natirang anim kung mapahiya’y ngingiti.

Ang pag-ibig ay bulaklak sa parang at bukid
na pinipitas ng sinumang makaibig.
Ito’y mga talulot na pumapahid
sa hinagpis puso at damdaming nasasaid.

Ang pag-ibig ay bato na sa daa’y nakakalat
na minsa’y pinupulot ng dalagang lumiliyag.
Ang batong ito ‘pag ipinukol mo’t sukat
kung hindi makabukol ay makasusugat.

Ang pag-ibig ay para rin namang tubig
na umaagos pagkat kanyang ibig.
Ang tubig na ito na minsa’y nagkukulay putik
ay naiinom din ng uhaw na tagabukid.

Ang pag-ibig ay parang buto ng Papaya
na kulay itim at sa paningi’y di maganda
ngunit pag itinanim at tumubo na
ang butong pangit ay magiging hinog na bunga.

Ang pag-ibig ay para ring Facebook ika ko
na may mga marunong at may naloloko.
Ang pag-ibig na kung hindi nalog-out at pinabayaan mo
kung mahahack ay tangis lang ang sa iyo.

Tunay nga namang ang pag-ibig ay makapangyarihan
pagkat kayang supilin kahit ang kaaway.
subalit pag-iingat lamang ang ating kailangan
nang ang pagibig nati’y hindi maging mitsa ng kamatayan!