isang markang kayhalaga

sa pawis na nunukal habang nakapila
nabubuo ang pagtitiis para sa hangaring maganda
at ang sandaling tila inaksaya,
di aakalaing maganda ang ibubunga

kaya nga matatanaw ang libong pag-asa
sa isang tila walang saysay na marka
na minsa’y tinutumbasan ng munting halaga
at minsa’y nais pang nakawin ng iba.

kaya’t isang araw ang dapat paglaanan
ng tamang nilay-nilay at wastong kaisipan
upang ang isang markang inilaan
pagdating ng panaho’y di pagsisihan.

MAGITING na LAHI

at nang mabuksan ang pinto’y nagliwanag

na animo’y araw na di matitigan

at doo’y nakita ang isang kasaysayan 

ng lahing nagparikit sa sariling bayan.

 

at isang mahabang parada ang natanaw

habang may paghihirap na naaaninaw

sa mukha’t pagal na katawan

ng mga Pilipinong karamiha’y nagsipanaw.

 

at doo’y naisulat ang kagitingan 

ng lahing kaytapang

sa pagtitiis at pagkalagas ng buhay

ay nabuhay ang karangalan ng bayan.

 

kaya nakasulat sa mga papel ng karunungan

ang naikintal na pambihirang kaganapan

na siyang nagbigay ng tunay na kahulugan

ng pagmamahal sa inang bayan.

 

sila’y nagtiis

naghirap

ginapos ng tanikala

niluraan

inuhaw

ginutom

sinaktan

 

at dahil sa kabayanihan

ay inaalala ngayon ng buong sambayanan.

 

“mabuhay ang lahat ng magigiting na PILIPINO

sa ARAW ng KAGITINGAN

at sa ordinaryong araw ng bawat marangal na buhay”

—G. MANUL

ANG PAG-IBIG

tula para sa buwan ng mga PUSO


 


ANG PAG-IBIG


Ang pag-ibig ay brilyanteng sa kislap ng araw kumikinang
na  ang uri ay sa kintab na iyong matatanaw.
Brilyanteng mula sa lupa nang iyong masulyapan
ay tila nagsasabing ika’y mapalad na nilalang.

Ang pag-ibig ay para ring salapi na hinahanap-hanap,
kapag natagpuan na’y pustura na’t nakagayak;
Bagaman kung ang nakatagpo’y hindi maingat
ay maaring mawala at di na muling mahahanap.

Ang pag-ibig ay kulay man din sa bahaghari
na ang kahulugan ay hindi mawari.
Pitong kulay na iba-iba bagaman isa ang tinatangi
ang natirang anim kung mapahiya’y ngingiti.

Ang pag-ibig ay bulaklak sa parang at bukid
na pinipitas ng sinumang makaibig.
Ito’y mga talulot na pumapahid
sa hinagpis puso at damdaming nasasaid.

Ang pag-ibig ay bato na sa daa’y nakakalat
na minsa’y pinupulot ng dalagang lumiliyag.
Ang batong ito ‘pag ipinukol mo’t sukat
kung hindi makabukol ay makasusugat.

Ang pag-ibig ay para rin namang tubig
na umaagos pagkat kanyang ibig.
Ang tubig na ito na minsa’y nagkukulay putik
ay naiinom din ng uhaw na tagabukid.

Ang pag-ibig ay parang buto ng Papaya
na kulay itim at sa paningi’y di maganda
ngunit pag itinanim at tumubo na
ang butong pangit ay magiging hinog na bunga.

Ang pag-ibig ay para ring Facebook ika ko
na may mga marunong at may naloloko.
Ang pag-ibig na kung hindi nalog-out at pinabayaan mo
kung mahahack ay tangis lang ang sa iyo.

Tunay nga namang ang pag-ibig ay makapangyarihan
pagkat kayang supilin kahit ang kaaway.
subalit pag-iingat lamang ang ating kailangan
nang ang pagibig nati’y hindi maging mitsa ng kamatayan!

ganyan ka ba o munting bituin?

Sa pagdilim ng langit ay lumitaw ang liwanag

Na sa kalauna’y pumutla’t wari’y binihag.

Ang liwanag ng tanglaw na sa langit nabanaag

Nang humalik sa dilim ay biglang kumupas.

 

Ganyan ka ba o munting bituin

Na sa silong ng langit ay nananalamin

At kapag dinatnan ng kumot ng dilim

Ay nagkukulay nang tulad sa akin

 

At kapag napansin ng isang tumingala

Ay kumikislap ka’t tila nahihiya

At kapag pinuri’t muling tiningala

Ay siya rin namang iyong pagkawala.

 

Ganyan ka ba o munting bituin

Na sa tanging dilim nananalamin

At kung lumiwanag na’t sa aking pagtingin

Kasama na kita sa aking libing.

“Ang pagkatalo ay simbolo ng paglaban. Ang pagkadapa ay simbolo ng paghakbang. Ang kahihiyan ay simbolo ng pagsubok. Ang pagkabigo ay simbolo ng tagumpay.”

 

Mabuhay ka pambansang Kamao!

LUNES AT BIYERNES

LUNES at BIYERNES

Araw ng Lunes
Araw ng Biyernes
Dalawang magagandang araw na minsa’y nakaiinis
Kung Lunes ay lagi na lang nagmamadali
at tila sinisilaban ang katawang di mapakali.

ano baga’t ang araw na ito ay minsang kinababagutan 
ng mga guro at mga mag-aaral
pag sinabing Lunes ay nariyan nag-aabang 
ang kayraming gawaing lubhang kinaaayawan.

Bagaman kung minsa’y laging hinihintay 
ang pagdating at pagdapo sa bawat kamay
kung may balitang magandang pakinggan
ang Lunes ay minamarapat na agad makamtan.

Sa kabilang dako ang Biyernes naman ay kaytagal
dumapo sa makakalyong kamay
mga kamay na napagod sa isang linggong paglalakbay
kasama ang isip na nanlulupaypay.

Datapwa ang araw na ito’y laging kinagigiliwan
ng mga guro man o mag-aaral
pag sinabing Biyernes ay ay ay katapusan
ng mga kalbaryo sa isang linggong napakatagal!

Ang dalawang araw na ito’y mahalagang lubha
na tulad ng buhay na may wakas at simula
ang Lunes ay pagsilang sa mundong mapag-aruga
at Biyernes ay ang paglisan sa daigdig na lumuluha!