Haliging Kaytat…

Haliging Kaytatag, Lahing Kaylakas

May isang haliging minsang naitayo
ng magiting at matatag na pinuno
na si Manuel L. Quezong minsang naglaho
sa lupa ng mundo ngunit di sa puso.

Ang haligi’y tanaw doon sa malayo-
mula sa Luzon hanggang Lupangb Pangako.
Ang haliging tila matayog na puno
ay kaytagal nang naipunla’t tumubo.

Sa kasalukuya’y nakatirik pa rin
ang isang sagisag ng lahing magiting
na pinangarap na sana’y payabungin
sabay sa pag-ihip ng sariwang hangin.

O, ‘wag naman biguin yaring pangarap
ng mga bayaning buhay ay nalagas
para sa bayang ninais makalasap
ng layang madama ang sariling lakas.

O, aking panawagan ay tanawin mo
ang isang haliging may sinisimbolo
‘pagkat ang halaga kung di mapagtanto,
ang bawat isa’y magdurusang totoo.

Ang haliging ito’y Wikang Filipino
na tunay na kaytatag kahit may bagyo
at kahit nais pang putulin ng dayo
o nais mang uyamin ng pagbabago.

Sa ating pangungusap, nawa’y gamitin
ang wikang masasabing sariling atin.
Kaydakilang bagay na dapat purihin
ang wikang winikang marapat wikain.

Wikang haligi ni Inang Pilipinas
ay ginagamit na panungkod at lakas
nang matiwasay na marating ang bukas
habang nakatuntong sa palad ng oras.

Kung nagmamadali ang ating panahon,
umula’t uminit, umaraw, umambon;
ang haliging nasa lupa nakatuntong
ay mas tumitibay at nagkakadahon.

At paglipas naman ay nagkakabunga
ng mga prutas na kaysarap ang lasa.
Kung titingnan lang ay di kaaya-aya
bagkus ‘pag kinain, ang lasa’y pag-asa.

O, ang haligi ay sadya ngang kaytatag,
pagkakilanlan ang dulot nitong tawag.
Ako ay ako, Pilipino sa binyag.
Wikang haligi ang aking dalang armas.

Ipagmalaki mo’t isigaw sa mundo
malakas ka’t kaytatag ng sandalan mo.
Ang sandalang iya’y  Wikang Filipino
na siyang lakas ng pagka-Pilipino.

16 thoughts on “Haliging Kaytat…

  1. Manong, maligayang Linggo ng Wika sa iyo at sa lahat ng iyong mambabasa. Tila kaytagal ng iyong pagbabalik ah. O ako lang ang tila di pinalad maka-bistay sa iyong latag na inuman. Gandang gabi sa iyo.

    • salamat po sa pagbisita. Paunlarin pa natin, tama po kayo, maraming salamat nga po at alam kong bahagi kayo ng pagtataguyod ng kaunlaran ng ating wikang pambansa

  2. Sa aking pagbabasa nitong napakagandang tula,
    Pagiging makabayan pumapasok sa aking hinuha,
    Ang mga pinakawalang kataga, lubhang matalinhaga,
    Ngunit pag-ibig sa wika, ay di maipagkakaila…

    Wala nang gaganda pa sa wikang sambit ng aking dila,
    Napakayaman, nailalarawan damdamin ng aking mga tula,
    Lungkot, ligaya, lumbay, tuwa, galit, pagpapakumbababa,
    Lahat ng ito, pagduyan, di kaya ng anumang wikang banyaga…

    Sa iyo Ginooong Manul, sa aking pagbabalik sigla,
    Isa ang iyong pahina sa aking nais muling mabasa,
    Hindi dahil sa sundalong nakikita kong nalalasing,
    Kundi dahil sa mga kaisipang tunay na nanggigising!

    Hello Ginoong Manul! Kumusta ang bakbakang iyong sinuong? Asan ang Medal of Valor?

  3. hello, Manul… at talaga naman, ginawan pa ng tula ang wika, kakahusay… salamat sa pana-panahong dalaw, kapatid. pasensya na, di ako gaanong nakaka-bloghop, dami kaming linisin dahil sa baha… ^^

    hala, nakakatuwa, may image ng lalaking naglalasing, ahihi. btw, gawa o kuha ka ng gravatar, mas mabuti yata. para may pagkakilanlan sa iyo sa blog. paturo ka kaya kay 25Cup? suggestion lang… ^^

    ito ang naibigan kong bahagi ng tula – ” nang matiwasay na marating ang bukas
    habang nakatuntong sa palad ng oras.” ang ganda ng pagkapili ng mga salita, gamit nila at rhyming, hala….:) happy Sunday and regards!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s