KM3: Alingawngaw ng Paos na Tinig

“Ang malalakas at kayraming tinig ay nagmumula sa hinaing ng samu’t saring damdamin.”

Ako ay isang Pilipino.

Ako ay paos na tinig sa yungib ng karimlan- yungib na tinatahanan ng mapupusok at iba’t ibang nilalang. Yungib na daigdig ng mga tinig na sadyang ikinubli sa kahuwaran at kawalang malay. Yungib na ang tanging liwanag na mababanaag ay kapirasong luha ng hinagpis na nagpapatatag ng marurupok na diwa na iniaanod ng katotohanang malimit na tinatakpan ng kasinungalingan.

Oo, ako ay isang paos na tinig na umaalingawngaw sa yungib ng karimlan. Ang tinig ko’y hindi kasinlakas ng ungol ng mga kanyon, ni ng putok ng mga baril, o ni dagundong ng kulog; bagkus, ang tulad ko’y langitngit ng kawayan, awit ng mga ibon, lagaslas ng tubig sa batis, huni ng kuliglig sa gabing kayrikit, tiktak ng orasan, ihip ng dalisay na hangin, o banayad na alon sa karagatan. Ang tinig kong ito ay halos hindi pakawalan ng nakakuyom na palad ng kahapong nananamantala sa aking kahinaan.

Bagaman ang tinig kong ito’y mahirap unawain ‘pagkat kaytagal nang hindi inuunawa, mararapatin ko pa ring magsalita gamit ang paos na sandata ng aking pagkatao- ang sining ng aking buhay at ang himutok ng aking kaluluwa. At ako’y humihiling na inyong buksan ang dalawang tainga upang marinig ang salaysay ng aking tinig.

Alam kong ako ay mahina- kasinghina ng isang sanggol o ng isang matanda. Subalit ang kahinaang ito ay alam kong ibabaw na bahagi lamang ng aking pagkatao.

At kung itatanong nila kung bakit nananatiling paos ang aking tinig ay hindi ko masasagot ‘pagkat ayaw kong sagutin; subalit sa mga magagaling umunawa, alam na nila ang sagot sa tanong na ito.

Ang tanong na ito’y tiyak na masasagot lang ng mga nilalang na may tiyagang makinig sa salaysay ng aking buhay na ikinukwento ng aking tila walang saysay na tinig.

Alam kong may makikinig sa akin. At alam kong darating ang panahong ang tinig kong ito ay magiging buo at maririnig na ng lahat ng Pilipino. At ipapangako kong kailanma’y hindi na maririnig ang alingawngaw ng aking paos na tinig!

17 thoughts on “KM3: Alingawngaw ng Paos na Tinig

  1. makapangyarihan ang tinig. maging sa paano pa mang paraan nating maibubulalas ito. Hindi kaylangan sumigaw upang tayo’y marinig. Mas pambuti ang isng bulong kung ito’y mauunawaan.

    magandang araw po sa inyo🙂

    • salamat po….ang tinig gaya ng iyong naturingan ay hiwaga ng buhay…sandata ng diwa at sining ng kaluluwa….

  2. Pingback: KM3: TINIG | Kayumangging Damdamin

    • salamat po sir….isang kagalakang lubos ang maipabatid sa lahat na ang bawat isa ay may tinig….

  3. Kung minsan.. paos man ang tinig.. sa mga taong handang makikinig… mararamdaman ang iyong hinaing.. kahit paos.. malayang mo pa rin isigaw ang iyong ibig at nais… sa bandang huli’y… makikinig din sila.. makikinig silang lahat..😀

    mahusay ang akda Sir… goodluck po sa entry nio.😀

    • salamat po….tama ang iyong naisulat at tiyak kong may mga taong katulad ng aking tinuran sa sanaysay na ito…salamat po sa pagbisita…

  4. Paos ba ang mga tinig dahil pagod na? Gasgas na pero hanggang ngayo’y bingi pa tayong lahat. Hindi kaya ang tinig nati’y sadyang mahirap matalos? Hindi kaya ang tinig nati’y lantay sa kabulaanan at pagpapanggap? Anupaman, ang tinig na ipinunas mo dito ay para sa Pilipino.

    Ako ay Pilipino at nauunawaan ko ang tinig na ninanais mo.

    Maraming salamat sa pakikilahok sa KM3 Tinig.🙂

    • maraming salamat kung gayon Kaibigang J. Kulisap….at nawa’y magpatuloy pa ang kamalayang malaya ng mga Pilipino…Mabuhay ka!

  5. Pingback: KM3: RESULTA | Kayumangging Damdamin

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s