Araw ng mga INA

kanyang hirap at pawis ay inialay

upang masilayan ang inaasam na tagumpay

hindi ng sarili kundi ng mga inakay

na nagsisilangoy na sa ilog ng buhay.

siya ay siya lang at walang kapantay

maging ang kayamanang lubhang makukulay.

Siya man din ay ginto na sa mata ay mahal

maging sa uri pa at sa  halagang tinataglay.

mahirap ang mundo pag siya ay wala

lalo na sa inakay na wala pang nagagawa

kundi umiyak at umiyak at lumuha at lumuha

habang naghihintay sa inang mapagkalinga.

Ano baga ang mundo kung wala ang ina?

Ano baga si Jesus kung wala si Maria?

Ano si Jose Rizal kung wala sa Donya Teodora?

sa mundo ano ako,ano siya,ano ka?

mahirap bilangin ang nagdaang araw

lalo na kung gunita ni Ina ang binibilang.

mahirap tumingin sa pambukas na araw

habang nawawala ang isang nakaraan.

Habang tumatagal ay tumatanda

ang panlabas na anyo ni ina

ngunit hindi ang kanyang pagmamahal

na mananatiling bata magpakailanman.

o Ina, o Ina, ikaw ay marapat purihin

pagkat tunay kang alagad ng DIYOS natin.

sa iyong aruga at pagmamahal sa amin,

ay mabubuhay kang may karangalang tataglayin.