timpalak at ako’y nalasing

timpalak….contest…paligsahan….minsan na ak…..hindi pala,lagi akong sumasali sa mga ganito. At ang latest ay ang bagsik sa panitik,timpalak sa damuhan. Di man ako pinalad na manalo,naipakita ko naman ang galing ko na makipagsabayan sa mga bihasang manunulat. Well, di naman ako talo…..at sa gustong makabasa sa lahok ko, ito po…l.

Mga Buhay sa Damuhan, Mga Bayani ng Bayan


Sa daigdig ng mga bayani ako’y tila kakaiba

pagkat ang pangalan ko’y walang kayang imarka.

Buong giting, buong tapang, at buong buhay pa

ang ialay ko ma’y tila wala ring halaga.

Ganito ba talaga ang mabuhay sa mundo,

ang pagkatao ng isa’y talo ng pagkamaligno?

Ang bayaning naturingan na sa lahi ang talino,

utak-galunggong din pagdating sa prinsipyo.

Sa silid-aklatan ng mga alaala

ay nakalimbag at nakaukit ang mga lumang istorya.

Ang bawat aklat doon kahit punit-punit na

ay may aral pang iniingatan sa bawat pahina.

Kung kaya ang nakaraa’y muli mong lakbayin

Nang iyong matagpuan ang mga dakilang giliw.

Ang mga bayaning kalayaan ang handog sa atin

Ay tulad ng saranggolang malaya sa turing.

Ang saranggolang iyon bagamat malaya

ay di mo aakalaing may katalik na hibla.

Ang hibla kung mapatid ay makasisira

at kadalasa’y nagdudulot ng pagkapariwara.

Matapos mong lakbayin ang nakaraan,

iyo namang silipin ang isang larawan-

larawang ipininta ng malikhaing kamay

na siyang nagsahimig ng tula ng buhay.

At pagkalipas nito’y pakatantuhin mo

ang kababalaghan na nangyayari sa mundo.

Mabuti pang naisin mong malignuhin ng tunay na maligno

kaysa malignuhin ng buhay na tao.

At tulad ng hamog na humahalik sa mga dahon,

ang tao’y may kaisipang tulad naman ng alimuom.

Ang hamog na hindi sinasadyang matipon

ay naiinom naman ng kulisap sa maghapon.

Ang mga tala sa langit ay iyo namang tanungin

kung sino ang makapapawi sa lahat ng paninimdim.

Magtataka ka pagkat ika’y sasagutin

ng larawan ng bayani sa kalawakang kaydilim.

“Kung iisipin mo lang aking kaibigan,

ang papel at pluma ay lubhang makapangyarihan.

Ang sa puso buhat at ginawa sa isipan,

sa panitikan man di’y  isang gintong yaman.”

Sa kagawaran ng kawalang-malay at pagwalang-bahala,

nawa’y sumibol ang mga hinuha;

pagkat ang isip-galunggong at taong walang laya

ay puhunan naman ng kayraming dakila.

Sa masukal na mundo ay kayraming ahas.

Sa damuhan sa parang ay may naglalarong kulisap.

Sa maaliwalas na langit ay may saranggolang lumilipad.

Sa pahina ng panitikan ay may bayaning walang kupas.

Ang mundo nati’y isang malawak na damuhan

na sari-saring damo ang maaaring mabuhay.

Sa gitna ng damuha’y may silid-aklatan

na tinatahanan ng mga bayani ng bayan!


Ano pong masasabi ninyo? Pwede na ba o may kulang pa talaga? hehehe

Araw ng mga INA

kanyang hirap at pawis ay inialay

upang masilayan ang inaasam na tagumpay

hindi ng sarili kundi ng mga inakay

na nagsisilangoy na sa ilog ng buhay.

siya ay siya lang at walang kapantay

maging ang kayamanang lubhang makukulay.

Siya man din ay ginto na sa mata ay mahal

maging sa uri pa at sa  halagang tinataglay.

mahirap ang mundo pag siya ay wala

lalo na sa inakay na wala pang nagagawa

kundi umiyak at umiyak at lumuha at lumuha

habang naghihintay sa inang mapagkalinga.

Ano baga ang mundo kung wala ang ina?

Ano baga si Jesus kung wala si Maria?

Ano si Jose Rizal kung wala sa Donya Teodora?

sa mundo ano ako,ano siya,ano ka?

mahirap bilangin ang nagdaang araw

lalo na kung gunita ni Ina ang binibilang.

mahirap tumingin sa pambukas na araw

habang nawawala ang isang nakaraan.

Habang tumatagal ay tumatanda

ang panlabas na anyo ni ina

ngunit hindi ang kanyang pagmamahal

na mananatiling bata magpakailanman.

o Ina, o Ina, ikaw ay marapat purihin

pagkat tunay kang alagad ng DIYOS natin.

sa iyong aruga at pagmamahal sa amin,

ay mabubuhay kang may karangalang tataglayin.

Makahiyang Walang Hiya

(tula ni tagapagman ni Huseng Batute)

 

Nabuhay sa mundo ang iilang nilalang


na may di mabilang na pag-aalangan.


Bawat yapak nila kasi ay sinusundan


ng malalalim na titig ng mga kasiraan.


(tula ni tagapagmana ni Huseng Batute)

Ganito nga ba talaga ang mabuhay sa mundo?

kailangan bang may nakatitig sa bawat hakbang mo?

Ang bawat hakbang ay kakambal ng kasiraan

dahil sa mga tinik na nakahambalang sa daan.

Bagaman ganito at ganito nga 

ay hindi pa rin kayang maitatwa

na sa lahat ng nangyayaring mabuti’t masama

ay mayroon pang makahiyang walang hiya.

Di kayang likumin ang mga dahilan


ng pagiging walang hiya ng makahiyang naturingan.

Di kayang hagilapin ang kahiwagaan


ng mundong nagkukubli sa kahuwaran.

Minsang naglakbay ako sa tila kagubatan


na kayraming punong ng dahon ay nawalan;

at sa halip na uod ang nakatira ay tao


na wari’y namumugad sa kutang bato.

At sa paglalakad ko ay aking nasagi


ang isang halamang kilala ko wari.

Ako’y nagtaka sa halamang iyon


gayong makahiya ay di tumiklop ang dahon.

Dahil sa nangyari, ako ay nag-isip


ng mga kaisipang halos di malirip.

Bawat nangyayari sa mundo ay bunga ng isip


at bunga rin minsan ng mga panaginip.

At aking napatunayang batas na nga ng mundo


ang makisaliw sa mga pagbabago.

Kaya’t kung may mangyari mang tila di karaniwan…


bago pa mangyari ay iyo ng asahan.

Pagkat ang mundo ay may pangit na mukha


may pangit na larawan at ugaling masama.

Napagaganda lang ang mundo ng maririkit na tula


na sa puso ng kabutihan nagmumula.

Mabuhay ka sa mundo na malayang malaya


at ang kalayaan ay sa kamatayan mawawala.

Kung ano ang iyong uri ay iyon ka nawa,

at huwag kang maging makahiyang walang hiya!

Isang Milyang Pangarap

Nag-ugat at sumibol dito sa aking isip

ang isang kumikinang na ginintuang panaginip
bagaman ang aking mga mata’y hindi naman nakapikit
kung kaya aking natatanaw ang kaylawak na langit.
At naroon sa itaas ang bituing maririkit
na parang pangarap at gunitang hindi mawawaglit.
Ang puso ko’y tumimo’t ang bibig ko’y may naisambit,
“Ang ngayon nga ay mawawala at bukas ang papalit.”
 
 
Gusto ko ngang makapagpatayo ng sariling bahay.
 
Nais kong makaahon sa napakahirap kong buhay.
Sana’y sa halip na bato’y ginto ang aking mahukay
at sana ri’y aking maani ang bunga ng tagumpay
upang kung saka-sakali mang ako ay mamamatay,
ang lahat ng aking pinangarap ay akin nang taglay.
Ang aking mga pangarap ay maari kong mahintay
ngunit makakamit din lang sa galaw ng aking kamay.
 
 
Kasaganaan,tagumpay at yama’y aking ambisyon,
 
maging tagapagtanggol at huwaran ng ating nasyon.
Ang lahat ng pangarap ko’y saan kaya paroroon 
kung wala akong tagagabay at walang Panginoon.
Sa buhay ng aking kapwa’y buhay ko ang itutugon.
Mula sa pagkakadapa,ang bayan ko ay babangon
upang sa isang milyang pangarap naman ay lilingon
at upang ang sarili,huwag mabaon sa kahapon.
 
 
Sa paggising ni araw sa luklukan ng Silangan
 
ay simula rin ng paglalakbay na walang pagtahan
at tulad din ng aking pangarap na walang hangganan,
ang matatag na puso ay higit ko pang kailangan:
ngunit ang sarili’y kailangan ding pakaingatan
nang ang paghihirap at pagsisikap ay ‘di masayang
upang kung si araw ma’y makarating na sa Kanluran,
tayo’y nakarating na rin sa ating patutunguhan….

Ang Hangin

sa hangin ang himig ng tunay na pag-ibig

nakalutang

lumilipad

palipat-lipat

paalis-alis.

 

Ang hangin ay ina ni buhay

na napagkukunan ng panustos na hingang -lupa

at ngiting-pusa

at halik-hudas

at lipad-saranggola

at lagalag na pagmamahal.

 

Ang hangin ay simula

ng lahat ng buhay sa mundo.

Buhay na nakalutang sa hangin

na isang kaygaang bagay

subalit kayang pabigatin ang iyong pakiramdam.

 

Hangin ang pasanin ng mga may hininga

at yaman ng ng gustong huminga

at pag-asa ng pinahihinga

at buhay ng nagpapahinga……

 

“Ang hangin ay walang buhay

kung ang buhay ay walang hangin”

mga Saksi

(sundalong lasing II)

ang mesa

ang baso

ang platito

ang liwanag

na natatanaw ng nahihilong tao

doon

doon

sa kanto

sa tindahang pambungad

sa mga bisitang lumalangoy sa libag

na kahit walang pera

na kahit walang laman ang bulsa

na kahit walang kaya ay susugod pa.

Doon sa kanto

sa tindahang laging bukas

ay may mesang naghihintay

sa matatalik na kaibigang

kapag niregalohan ng isang bote

ay mahihilo

ay mag-iiba

ay magiging misteryoso

ay magiging mangsesermon

ng walang kwentang pangaral

at turong walang saysay.

Doon sa kanto,

sa ikapitong langit

sa ikaanim na ulit

sa ikalimang pagsapit

ng apat na lupit

ng taong mahiligin sa dalawang halik

sa boteng kapatid ni tulog

pamangkin ni hilo

at apo ni Sermon

at minsan pa’y asawa ni gulo.

Doon sa kanto

ay may mesang saksi

at may baso

at platito

at taong nahihilo…

hilo sa buhay

malayang tunay

na anak ni dalita

ay sa alak nagpasasa

at humalik sa lupa

at lumura

at sumuka

at natumba.

Sa susunod na araw

ay may saksi pa rin

sa gawain ni Tao

gawain ni mahirap

gawain ni mababaw.

saksi si mesa

saksi si bote

saksi si platito

saksi si dilim

saksi si antok

at si bituka

sa lahat ng nangyayari!